Jeep at Panaginip  

Posted by desza in , , , ,

Jeep at Panaginip


Ilang oras na ang lumipas nang ako'y magising. Nakapaghilamos na, nakapagligpit ng kuwarto, nakanood ng TV, nakapag-internet sandali. At habang ako'y naglilinis na ng bahay, bigla akong may naalala.

Bigla kong naalala ang panaginip ko kagabi. Isang panaginip na hindi nga pala pangkaraniwan. Isang panaginip na marahil ay isang kahilingan. Isang panaginip na ikaw ang nilalaman.

Bigla kitang naalala.



Nakasakay raw tayo sa isang jeepney. Teka. Jeep? Lagi na lang bang jeep ang setting ng mga panaginip ko tungkol sa iyo? Sabagay, isa nga naman iyon sa mga lugar ng iilang alaala na kasama ka. Kaya in one way or another, ang jeepney ay isa sa mga espesyal na sa akin. (Insert Spongecola's Jeepney here)


(pic from google)


So ganoon nga, nakasakay raw tayo. ngunit hindi ko alam kung saan tayo patungo. Tulad noon, pinili kong makasama ka kahit hindi ko alam kung saan mapupunta ang kung ano man ang meron tayo.

Tapos, may aleng sumakay na may dalang bag. Bumaba ulit siya para may kausapin sandali. Pero biglang umalis ang jeep. Naiwan siya. At naiwan rin ang mga gamit niya.

Di ko mapigilang ikumpara ang aking sarili sa kanya.Tumigil lang kasi ako sandali noon para sa mga pangarap ko, di ko na namanlayan, umalis ka na pala nang di man lang nagpapaalam. Iniwan mo ako agad. naiwan pati mga katanungang kailanman ay di na mabibigyan ng kasagutan. Naiwan naman ang isang parte ng buhay ko sa'yo. naiwan sa'yo ang puso ko.


Tumigil ang jeep sa isang lugar. doon na pala ang destinasyon nito. At dahil nga sa bag na naiwan nung ale, napilitan akong kausapin ka. Nakakatawa, kinausap lang kita dahil kailangan. Kinausap lang kita dahil wala ng ibang pagpipiliian. Kahit na simula pa lang ng biyahe, gustong-gusto na kitang lapitan... gustong-gusto na kitang kausapin. Ngunit hindi ko nagawa. Hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob.


Masakit para sa akin ang mapalapit sa iyo. Masakit kasi kahit isang metro lang ang layo mo sa akin, hindi pa rin kita malapitan, hindi maabot. At alam mo ba kung ano ang mas masakit? Yung ang lapit mo nga, lahat ng pagkakataon nakalatag na, subalit hindi mo pa rin ako kinausap. Ni hindi mo ako pinansin.



Hindi ko na alam kung ano ang mga sumunod na pangyayari. basta ang sumunod na eksena, nakasakay ka na ulit. Sa ibang jeep. Samantalang ako, hindi na muling sumakay.



Nakangiti kang lumisan. Ang tamis.
At ako? Nakangiti ring naiwan. Ang pait.


Nakaalis ka na. Papunta sa iba. Hindi na kita muling makikita. Hindi ka na babalik.


At narito pa rin ako. hindi na muling makasakay sa ibang jeep. Hindi na makausad. Hindi na makaalis.




Napanaginipan kita kagabi. 
Naalala kita ngayon. 
Minahal kita noon. 
Makakalimutan din kita; kung hindi man bukas, darating din ang panahon.

This entry was posted on Sabado, Nobyembre 30, 2013 at Sabado, Nobyembre 30, 2013 and is filed under , , , , . You can follow any responses to this entry through the comments feed .

1 de palabras

Kumusta na..salamat sa pagiging bahagi sa walong taon ng blog ko..thank you....isa ka sa pinapasalamatan ko....

Happy 8 years......

Oktubre 8, 2016 nang 12:09 AM

Mag-post ng isang Komento